
May isang ugali tayong mga Pilipino na hindi natin napapansin at hindi natin namamalayan pero araw-araw nating ginagawa — nagagalit tayo… pero sandali lang. Kung gaano tayo kabilis magalit ay ganoon din tayo kabilis makalimot.
Mabilis tayong magalit kapag tayo ang naaapektuhan, pero mabilis ding makalimot kapag hindi na tayo ang tinatamaan; galit kapag baha, pero kalmado ulit kapag naka-ahon na at natuyo na ang kalsada — nalilimutan natin ang takot at trauma kapag lumipas na ang balita. Nagagalit tayo kapag may baha… kapag may POGO raid… kapag may scandal sa gobyerno ng korapsyon — galit kapag taas-presyo, taas-gasolina, taas-bilang ng krimen. Ngunit sa oras na humupa na ang balita, humupa na rin ang galit.
Nagagalit lang kapag may kamera, nagrereklamo lang kapag trending, at nakakaalala lang kapag tayo ang biktima. At ‘pag lumipas na? Tahimik. Pahinga. Balik sa dati. At dahil dito, paulit-ulit tayong niloloko at pinagsasamantalahan ng nasa gobyerno, dahil alam ng mga pulitiko — mabilis tayong magalit, pero mabilis din tayong makalimot.
Na para bang may memory reset ang bayan; outrage today, silence tomorrow. Para tayong nasa bansa na may maikling alaala, at kung hindi man natin napapansin — ang pagkalimot ay ang pinakasanay nating gawin, hindi dahil sa ayaw natin, kung hindi dahil mas madali ang limutin kaysa ang katotohanan ay harapin. Parang isang sugat na hindi pinapahiran ng gamot — tinatakpan lang. At isang dumi sa mundo na hindi nililinisan, pinapabanguhan lang ng pamahalaan.
Ito ang galit na magaling sumiklab pero hindi marunong manatili, at sa isang bansang matagal nang nilalamon ng katiwalian, ganitong klase ng galit ang pinakamadaling abusuhin ng pamahalaan.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses tayong pinayuko ng korapsyon nitong mga taon; mula sa pagbagsak ng mga imprastrakturang dapat nang ayusin, sa paulit-ulit na anomalya sa public funds, hanggang sa paglipana ng sindikatong POGO na ginawang negosyo ang human trafficking at krimen. Hindi lang sistema ang bulok — buong gulugod ng gobyerno ang pinabayaan nating mabulok, paunti-unti, taon-taon, eleksiyon-eleksiyon.
Pero may mas malala pa; tayong mga mamamayan ang pumayag, hindi dahil masama tayo — kundi dahil mabilis tayong makalimot. Hindi natin dalang-dala ang galit, bitbit lang. At ang galit natin ay parang trending topic — may expiration lang.
Kaya sa bawat galit na ating nararamdaman, huwag niyo naman sana ito'y kalimutan. Hindi ko alam kung hanggang saan lang umaabot ang galit niyo. Hanggang Twitter lang? Hanggang group chat lang? Hanggang sumbong lang sa kaibigan? Hanggang rant lang kapag baha? Kung doon lang, walang mangyayari. Dahil ang tunay na lakas ng galit ay hindi sa lakas ng sigaw — kundi sa tibay ng alaala.
Marami sa atin, nagagalit pero kinakalimutan kapag mukha at pangalan ng mga politiko ang nasa balota. Biglang “deserving ng second chance,” biglang “baka naman nagbago,” biglang “sila na lang kasi kilala.” Paulit-ulit tayong niloloko dahil paulit-ulit tayong nagpapaloko.
At kung hindi tayo matutong dalhin ang galit natin hanggang dulo — hanggang sa mismong araw ng pagboto — maghahanda na tayo sa susunod na tatlong taon ng pare-parehong kuwento: baha, korapsyon, fake news, pagnanakaw, pang-aabuso ng kapangyarihan, at pagtakbo ng mga kriminal palabas ng bansa gamit ang pera nating lahat.
Ayon sa 2025 survey ng Social Weather Stations–Stratbase, lumabas na 7 sa 10 Pilipino ang nagsasabing handa silang bumoto para sa kandidatong may plataporma laban sa korapsyon. Marami ang nawindang, nagprotesta, at umasa ng pagbabago — gaya ng mga panawagan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na huwag kalimutan ang trahedya ng mga nasalanta ng baha at anomalya sa gobyerno sa pagboto.
Pero isang problema ang paulit-ulit: galit na nasisinagan lang kapag may krisis — tapos nawawala kapag natatapos na ang balita. Pag-aalsa sa social media, protesta sa lansangan, at panawagan para sa hustisya — bigla ring nagiging “old news.” Pagdating ng eleksiyon: mukha ng kandidato, pangalan ng kilala, o simpleng pangako — sapat na para makalimot ang iba.
Hindi sapat ang galit. Kailangan natin itong gawing sipat, kritisismo, at — higit sa lahat — responsableng paaabot sa bilog ng boto. Bawat balota mo ay dapat may kasamang alaala — ng baha, ng anomalya, ng panlilinlang, ng pighati — lalo na kung naniniwala kang totoo ang pagbabago.
Sa ganitong paraan, ang eleksiyon ay hindi lang ritwal. Nagiging panunumpa ito — panunumpa na hindi ka na magsasawalang-kibo, panunumpa na hihingin mo ang pananagutan, panunumpa na aalagaan mo ang bansa — hindi dahil ipinaboto, kundi dahil pinili mo.
Ang eleksiyon ay hindi beauty pageant na popularity ang basehan — ito ang pinakamatalas at pinakamalakas na sandata ng mga Pilipino para sa isang maayos na bayan, isang mapayapang pamahalaan, at isang oportunidad natin bilang mamamayan sa isang magandang bukas ng ating tahanan. Dahil sa Pilipinas, ang pinakamakapangyarihang tinig ay hindi ng may pera, ng may koneksyon, o ng may pangalan.
Ang pinakamakapangyarihang sandata ay ang balota at ang pagboto ng tama. At balota mo lang ang makakapigil sa susunod na baha ng korapsyon, pagkalimot, at panlilinlang.
Kapag mali ang pinili natin, hindi tayo dapat nagtatanong kung bakit ganito ang Pilipinas. Ang tanong dapat ay: “Bakit natin hinayaang maging ganito?”
Kaya dapat ang panagawan ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino ay: Huwag mong hayaang mawala ang galit mo. Huwag mong hayaang tabunan ng memes, scandals, o entertainment. Huwag kang pumayag na painitin ka lang ng issue pero palamigin ka ng propaganda.
Dalhin mo ang galit mo hanggang dulo. Dalhin mo sa pagpili. Dalhin mo sa pagboto. Dalhin mo sa pananagot.
Hindi mo kailangang maging marahas para maging matapang — sapat na ang hindi pagkalimot; dahil sa bansang ito, ang mamamayang hindi nakakalimot ang pinakamahirap lokohin.
At kung tunay tayong pagod na, tunay tayong sawang-sawa na. Ang panawagan ng Pilipino sa kapwa niya Pilipino ay…
HUWAG KA NANG BOBO, DALHIN MO ANG GALIT MO HANGGANG DULO!



