
Patuloy na pinag dedebatehan ng mga Pilipino kung kasya nga ba ang P500 pang handa sa noche buena. At sa totoo lang? Kaya.
Sa bansang ito, hindi na bago kung tila ba may bagong tradisyon ang gobyerno tuwing Pasko. Ang mag-iwan ng pahayag na hindi nag-ugat sa karanasan, hindi nababad sa hirap, at hindi man lang dumampi sa realidad ng mga pamilyang araw-araw nagbibilang ng barya. Pahayag na parang nagmula sa mundong walang pila sa palengke, walang bigas na tumatalon ang presyo kada buwan, walang sibuyas o sili na parang alahas, at walang sahod na naimpambayad na bago pa man sumapit ang kinsenas.
At doon ang pinaka ugat ng galit at poot. Galit na kumikirot dahil alam mong hindi ito basta lang kamangmangan—kundi kawalan ng malasakit. Hindi nila tinatanong kung magkano ang sidlan ng bilihin. Hindi nila iniisip kung ilang oras ba nagtatrabaho ang isang ama o ina para mabuo ang limandaang piso. Ni hindi tanong ang kanilang pinipilit sa ating mga lalamunan, kundi pahayag. Nakakainsultong pahayag na patuloy ipinalulunok sa atin kahit maluha na tayo at mabilaukan.
Oo, kaya. Kaya nating pagkasyahin. Kung kaya nga ng mga Pilipinong maghanap ng pinakamurang pasta, pinakamanipis na keso, pinakamas mura at pinakamaliit na hamon, kayang kaya nating bawasan, bawasan, bawasan hanggang mawala ang saya at matira lang ang “pwede na.” Kaya nating ipagpilitan dahil sanay na sanay na tayong ipitin. Pero sa lahat ng dapat ipagpilitan, pasko nga ba talaga? Pagsasalo-salo na Isang beses lang sa taon kung mangyari, panahon kung saan sama-sama dapat ang pamilya at nag hahanda ng selebrasyon na pinakahihintay ng bawat isa.
Nakakapagod na at nakakasuka ang romantisasyon ng resiliency. Taon-taon, mismong gobyerno ang nagpapaalala kung gaano sila ka-komportable habang tayong mga Pilipino ang ineengganyong magsiksik sa impraktikal na budget. Na mistulang isang checklist: baha? Resilient. Sunog? Resilient. Walang ayuda? Resilient. At ngayong pasko, talaga namang nakagagalit na gusto pa rin nila tayong tipirin.
Walang perpektong gobyerno, ngunit palaging may ganid. May abusado. At may gusto sa posisyon at kapangyarihan ngunit wala sa tao. Tipid na tipid na nga ang mga Pilipino sa pasahod, sa transportasyon, sa bilihin, sa pang ospital at kalusugan, pati ba naman mga selebrasyon ay kokontrolin na rin nila tayo?
At lahat ng ito ay sa kabila ng kanilang hindi naman pagpasok sa palengke na doble na ang presyo ng mantika. Hindi sila ang nagtatakal ng bigas habang binibigkas sa isip ang natitirang pera sa bulsa. Hindi sila ang gumigising ng madaling araw para makipag siksikan at tumawad sa bilihin. Hindi sila ang nag-uuwi ng pagkaing pinagkasyahan, hindi dahil gusto nila—kundi dahil walang ibang pagpipilian.
Oo kaya ng Pilipino maging praktikal. Kaya natin maging madiskarte. Ngunit bakit ba palaging tayo ang kailangang gumalaw? Bakit ba palaging tayo ang nakikisama sa kakulangan? Kaya nating ipaglaban ang isang gabi, ksang hapunan, isang kainan. Kaya nating magtipid dahil matagal na tayong nasanay sa ganiyan. Ngunit bakit parang obligasyon pa natin ipaliwanag na karapatan natin iyan? Bakit parang krimen kung gusto nating may konting saya at mas espesyal sa regular ang nakahain sa lamesa?
Sa puntong ito, hindi na tanong kung kasya ang limandaang piso. Alam nating kasya. Kaya. Gagawin at gagawin ng Pilipino dahil palagi naman tayong handang magtiis. Pero ang hindi natin dapat tanggapin ay ’yung pagpilit. Pagpilit na parang dapat tayong mahiya kung hindi tayo marunong magpakapraktikal. Pagpilit na parang dapat ipagpasalamat natin ang salu-salong halos pinagtiyap lamang. Na parang sila ang dapat magtakda kung ano ang “sapat” para sa atin.
Kung tunay na Pasko ang gusto nilang iparamdam sa bansa, bakit nila inuuna ang pangangaral kaysa pag-ayos ng presyo? Sa taon lamang na ito, napakaraming kasalanan at pagkakamali sa bayan ang lumabas. At bilang lang sa daliri ang nanagot. Habang sila, prente at kampanteng nakaupo, walang iniisip kundi paano tayo muling papaniwalain sa salita at pangakong may magbabago. At oo, kaya ng Pilipino, ngunit hindi dahil maayos silang pinamumunuan, kundi dahil wala silang pagpipilian. Ang tunay na kabastusan ay hindi ang kahirapan mismo, kundi ang pagpilit na tanggapin ito na parang karaniwang kondisyon ng buhay.
Kung ito pa rin ang tingin nila, isang araw, mauubos ang pasensya ng bayan. Hindi na resiliency ang haharap sa gobyerno sa tuwing sakuna kundi galit ng sambayanang matagal na nilang sinasamantala.



