
Ang Bayan, Ang Husgado
Kalat na kalat sa social media ang katagang “Hindi mali ang pagprotesta, kaya may protesta dahil may mali.” Dala ng malalang korapsyon na dinaranas ng bansa sa kamay ng sakim na gobyerno, namulat ang bayan, nagsulputan ang mga organisadong humuhusga sa hindi kapani-paniwalang akto ng pamahalaan. Unti-unti, mula sa iba’t ibang institusyong naglunsad ng kani-kaniyang “walkout”, inaaninag ang sigaw ng bayan na unti-unting nilulubog ng gobyerno. Pinangunahan ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman ang walkout na siya namang sinundan ng ilan pang campus ng institusyon. Silang sumisigaw na ang salaping dapat sana ay ginamit upang maisaayos iyong mga suliraning kay tagal nang hinahamon ang resiliency ng mga Filipino.
Ngunit dahil sa mga buwayang nakalam ang sikmura sa kaban ng bayan, ang nalikom na buwis mula sa mga manggagawang Pilipino na buong maghapon ay dugo’t pawis ang puhunan sa bawat sentimong natatanggap ay ibinulsa ng ilang nasa posisyon para sa pansariling benepisyo lamang. At dahil simot na, maski ni isang kusing ay walang natira. Dahil dito, buong tapang na ginimbal ng mga mamamayang naghihirap ang katahimikan sa gitna ng pagmamalupit.
Hindi na Kailangan ng Stage at Microphone
Sa kalagitnaan ng nakapapasong init ng araw, tila nagsilbi bilang isang malaking entablado ang kalsada ng Ermita, Manila, patungong Luneta Park, para sa mga taong nais ipahayag ang kanilang saloobin sa panggigipit ng gobyerno sa gitna ng krisis na kinahaharap ng mamamayang Pilipino. Tunay ngang namulat na ang bayan sa palagiang pagbabalat-kayo ng ibang opisyales ng pamahalaan. Ang boses ng mga nagprotesta na umaalingawngaw ang nagsilbing mikropono upang marinig ng mga nailuklok sa posisyon ang nagkakaisang tinig ng bayan, “Pagod na kami sa ganid at manlilinlang”
Malat man ang boses, binuksan ng mga lalamunan na uhaw sa hustisya ang malalagim na kaganapan sa bawat proyekto na sana ay napakikinabangan. At imbis na bigyan ng pamahalaan ng aksyon, panay ang turuan kung sino ang dapat panagutin sa mga proyektong pumalya. Nakalulungkot din isipin na karamihan sa proyekto ng gobyerno ay nagmistulang multo at ang iba ay sumalamin sa mga pangakong napako. Kaya ang tanong, hanggang kailan kaya pagpapasa-pasahan ang bola ng katarungan upang makamit ang hustisya na inaasam ng bayan?
Tensyong Bunga ng Pagkaganid
Mainit at amoy pawis man ang bawat isa, patuloy nilang dinagsa ang malawak na kalsada sa Mendiola, Manila. Umusbong ang tensyon sa pagitan mga sibilyan at mga pulis na ang idinulot ay pagtangis at pagkitil sa pangarap ng isang malayang Pilipinas. Subalit, kung naging tapat lang sana ang paglilingkod ng mga nanunungkulan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng transparency sa paggasta ng mga buwis sa makabuluhang proyekto, walang dugo ang maghahalo sa tinalupan.
Giriang hindi naman marapat na tampok sa protesta ang nasaksihan ng bawat mamamayang pinagbuklod ng iisang hangarin. Sa gitna ng batuhan, imposibleng ituro lamang ito sa isang daliri. Sa mata ng isang sibilyan, ang mga kamay ng magkabilang panig ay nabahiran ng putik ng pagkakasala. Gayunpaman, hindi rin natin maikakaila na walang usok kung walang apoy; walang babawi kung walang puno’t dulo. Ang kaso, hindi lamang batuhan ang ipinalabas matapos ang protesta, umiindak din ang apoy sa makina ng sasakyang kitang-kitang nagliliyab sa kalagitnaan ng kalsada. Maging ang hindi malilimutang pagkalabit sa gatilyo ng baril na nagpatigil sa mundo ng isang indibidwal na ‘di mawari kung ano kayang dahilan.
Dagdag pa iyong mga inosenteng nagmamatyag sa nagaganap na martsa, walang alam sa kaguluhan, umuwi, hindi sa kanilang sariling bubong kundi sa himpilang hindi malaman ang katwiran. Iba’y kinuyog pa, ni walang katiting na ambag sa riot na naganap sa Mendiola, tuloy nakatikim ng malamig na selda nang wala sa oras, naghihintay na makalaya sa bagay na walang kinalaman. Siksikan na nga sa kalsada matapos ang labang hindi malilimutan ng taon, lalo pa nang dinala sa presinto at naging mala-sardinas sa sikip ang lahat.
Tuloy-tuloy ang Laban!
Bagaman ginagamit ang protesta bilang instrumento upang ipakita ang hinaing ng bayan, hindi pa rin maikakaila na ilang beses na itong nilimitahan ng estado. Permisong kailangan pa umanong hingin sa awtoridad para lamang magsagawa ng kilusan. Mistulang ang simpleng pagpapahayag ng ekspresiyon ay kailangan pa ng permiso ng estado. Kagandahan sa mga Filipino, hindi nagpapadala sa akto ng pagpapatahimik sa sambayanan.
Taas ang kaliwang kamao, bitbit ang mga placard, isisigaw ang hinaing kasama ang taumbayan. Hindi alintana ang init, maging ang mga mata ng awtoridad na nanlilisik, akala mo ay gumawa na ng krimen ang masa. Mga Pilipino na sabay-sabay nagmamartsa, halos yanigin na ang lupain ng sintang bayan, lalo na iyong opisina ng mga opisyales na ang bulsa ay umaapaw sa korapsyon. Hindi lamang sa Maynila naganap, sa iba’t ibang dako rin ng bansa; iisa ang kinakanta; “Ikulong na ‘yan, Mga Kurakot!”
Kaya naman, sama-sama ang bawat Pilipino sa labang ito, hindi binibigyang pansin kung ano ang propesiyon o tungkulin sa buhay, ang mahalaga dapat mong kasuklaman ang mga pulitikong walang ibang ginawa kundi ang magpayaman sa kapinsalaan ng nakararami.
Matuto na, gising na, dahil ang sintang bayan, tuloy-tuloy ang laban!



